Home Top News and Stories Philippines News Headline DOH target tapusin ang pagbabakuna sa loob ng isang lingo

DOH target tapusin ang pagbabakuna sa loob ng isang lingo

0
   

DOH target tapusin ang pagbabakuna sa loob ng isang lingo

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, March 7 (PIA) – – Isang linggo ang target ng Department of Health (DOH) region 2 na tapusin ang pagbabakuna ng Sinovac vaccine sa lahat ng mga ospital sa rehiyon dos.

Ayon kay Dr. Rio Magpantay, regional director, dahil mahigit sampung libo ang ibinigay na bakuna para sa unang “dose” ay dinagdagan din nila ang mga ospital na bibigyan.

Aniya hindi nalang ang mga refferal hospitals ang bibigyan ng bakuna kundi maging ang mga pribado at mga isolation facilities para mabakunahan na rin ang mga health workers na umaasikaso sa mga pasyenteng positibo sa COVID-19.

“May mga inilaan na tayong bakuna sa iba pang mga ospital sa rehiyon at nais natin matapos itong unang dose sa loob ng isang linggo,” pahayag ni Magpantay.

Gayonman, inihayag nito na nakasalalay parin sa mga health worker kung gusto nilang magpabakuna o hindi pero sisiguruhin aniya nila na lahat ng mga bakunang dumating ay magagamit.

“Actually unti-unti nang tumataas ang bilang ng mga nais magpabakuna na mga health workers at ngayon na naumpisahan na natin ito ay umaasa tayo na lalo pang magkakaroon ng kumpiyansa ang iba na magpabakuna,” dagdag pa ng direktor.

Siniguro rin ni Magpantay na susundin nila ang prioritization list sa pagbabakuna.

Wala naman umanong nagpahayag ng kagustuhang maunang magpabakuna na hindi health worker o wala sa priority list sa rehiyon dos.

Sa kabilang banda, inihayag din nito na magkakaroon ng alokasyon ang rehiyon sa AstraZeneca na inaasahang darating sa susunod na linggo.

Aniya mga senior citizens at ibang mga health care workers na hindi napasama sa unang batch ng Sinovac vaccines ang prayoridad para sa AstraZeneca vaccines. (ALM/OTB/PIA-Cagayan)