Home Top News and Stories Philippines News Headline Huwag kalimutan ang isyu ng malnutrisyon – Sec. Nograles

Huwag kalimutan ang isyu ng malnutrisyon – Sec. Nograles

0
   

Huwag kalimutan ang isyu ng malnutrisyon – Sec. Nograles

Ipinaalala ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ang kahalagahan na pagtibayin ng mga lokal na opisyal ang mga programa nito laban sa malnutrisyon sa kanyang pagbisita sa Tuguegarao City. (PIA)

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Enero 13 (PIA) — Bagamat may kinakaharap ang bansa na pandemiya dahil sa COVID-19, binigyang diin ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na huwag ipagsantabi ng mga lokal na opisyal ang kalusugan ng mga bata lalo na sa mga barangay na may mataas na bilang na mga malnourished na bata.

Sa pagbisita ng kalihim sa Tuguegarao City kahapon upang mamahagi ng relief packs sa mga residente na apektado ng malubhang pagbaha nitong nakaraang taon, pinaalalahanan nito ang mga kapitan na barangay na huwag ipagsawalang bahala ang nutrisyon ng kanilang mga ka-barangay.

Aniya, pinakamabisa pa ring panlaban sa COVID-19 o kahit anumang uri ng sakit ang tama at wastong nutrisyon.

“Huwag po nating kalimutan ang mga batang musmos sa ating mga barangay.  Huwag nating kalimutan ang aspeto ng nutrisyon,” dagdag ni Nograles.

Sinabi pa niya na dapat mas palakasin pa ng mga barangay ang mga programa at serbisyo nito para sa kalusugan ng mag residente lalung-lalo na ang mga bata at mga buntis.

“Huwag din nating kalimutan ang kahalagahan ng First 1000 days. Pangalagaan natin ang kalusugan ng nanay at ang kanyang supling. Bantayin natin na huwag maging stunted ang mag bata,” aniya.

Ipinaalala rin ng kalihim na responsibilidad ng mga barangay captain na magsagawa ng mga aktibidad na laban ang malnutrisyon. “Sana naging priority niyo,” dagdag niya.

Samantala, sinabi rin ni Nograles na dapat buhayin ang mag programang ‘Gulayan sa Barangay’ na maaaring pagkuhanan ng ‘fresh’ at ‘organic’ na mga gulay na pwedeng ipamigay sa mga identifiéd na malnourished na mga bata sa kanilang barangay.

“Dapat mailapit natin sa ating mga kababayan ang masusustansiyang pagkain para sa tama at wastong nutrisyon,” giit niya.

Si Nograles ang kasalukuyang nakaupong chairperson ng Inter-Agency Task Force on Zero Hunger na may layuning wakasan ang kagutuman sa ating bansa. Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 101 na bumuo sa nasabing task force Enero noong nakaraang taon. (MDCT/PIA-2)