Home Top News and Stories Philippines News Headline Online travel pass applications, ginagawa sa mga Tech-4Ed center sa Cam Norte

Online travel pass applications, ginagawa sa mga Tech-4Ed center sa Cam Norte

0
   

Online travel pass applications, ginagawa sa mga Tech-4Ed center sa Cam Norte

DAET, Camarines Norte, Pebrero 19 (PIA) – Isinasagawa na sa mga Tech4Ed center sa  Camarines Norte ang online travel pass application matapos makipag-ugnayan ang tanggapan ng punong lalawigan sa Department of Information and Communication Technology (DICT).

Ito ay upang makatuwang ang mga E-center na ito o Tech4Ed ng DICT sa ilalim ng kanilang patnubay sa bawat bayan para sa aplikasyon ng mga mamamayang walang access o paraan para makapag-aplay online gamit ang kanilang computer o cellphone.

Ang mga aplikante sa Tech4Ed Center ng Provincial Library sa kapitolyo matapos buksan sa publiko ang pagkuha ng aplikasyon ng online travel pass para sa mga bibiyahe sa mga pribado at pampublikong sasakyan. (PIA5/Camarines Norte)

Sa isinagawang pagpupulong ng Provincial Incident Management Team (IMT) ng Camarines Norte, sinabi ni Community Affairs Officer Jocelyn Grace A. Calimlim, hepe ng Communication Response Cluster ng IMT, na maiiwasan rin ang pagdagsa ng mga aplikante mula sa ibat-ibang bayan katuwang ang mga Tech4Ed center ng DICT.

Aniya, mula Pebrero 6-14 ngayong taon, umaabot na sa 2,523 ang naaprubahang travel pass gamit ang online na pamamaraan.

Samantala, ang mga E-center na maaaring bisitahin na makatutulong ay ang mga Tech4Ed sa mga municipal library ng bayan ng Jose Panganiban, Capalonga, Paracale, San Lorenzo Ruiz at Old Municipal Building ng Basud. 

Mayroon din nito sa Municipal Crisis Center ng Sta. Elena, Tourism Office at Fishport ng Mercedes at Tourism Office ng San Vicente samantalang mayroon din sa mga barangay hall ng Anahaw, Labo; Poblacion,Talisay at Calangcauan Sur, Vinzons na maaring puntahan.

Sa mga aplikante sa bayan ng Daet na wala pang Tech4Ed center ay maaari silang magpatulong sa kani-kanilang lokal na pamahalaan o Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO). 

Pansamantalang aalalay din ang mga Tech4Ed center na nasa kapitolyo at DICT para sa iba pang magtutungo dito.

Sa mga nais mag-aplay online, i-type sa browser ng google ang www.camnortetravelpass.com at kailangang ihanda ang dokumentong kinakailangan para sa mabilis na proseso ng kanilang aplikasyon. (PIA5/Camarines Norte, may ulat mula kay Ivy Garcia ng CAO-PG)