Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: Agriculture Office ng Puerto Princesa, namamahagi ng semilya ng tilapia

Tagalog News: Agriculture Office ng Puerto Princesa, namamahagi ng semilya ng tilapia

0
   

Tagalog News: Agriculture Office ng Puerto Princesa, namamahagi ng semilya ng tilapia

fishpond sa Gintong Butil Farm
Ang fishpond na matatagpuan sa Gintong Butil Agri Farm kung saan pinararami ang semilya ng tilapia na ipinamamahagi ng City Agriculture Office sa nais mag-alaga nito. (Larawan mula sa Gintong Butil Farm FB Page)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Abr. 7 (PIA) — Namamahagi ang City Agriculture Office ng fry at fingerlings o semilya ng tilapia sa mga mamamayan ng lungsod na nais mag-alaga nito.

Ito ay bahagi ng programa sa food security ng pamahalaang panglungsod na ipinatutupad ng Fisheries Division ng City Agriculture Office katuwang ang Gintong Butil Agri Farm.

Sa impormasyong ibinahagi ng City Agriculture Office sa kanilang Facebook page, sa fishpond na matatagpuan sa Gintong Butil Agri Farm pinarami ang semilya ng tilapia na ipinamamahagi sa nais mag-alaga nito. Ito rin ang nagsisilbing demonstration site para sa pag-aalaga ng tilapia upang matuto ng mabilis ang mga nais mag-alaga nito.

Ayon sa pamunuan ng Gintong Butil Agri Farm, ang mga semilya ng tilapia na ipinamamahagi ay ang red tilapia mula sa University of St. La Salle na donasyon ni Dr. Menchie Lagman at ang na-cross breed na mula sa iba pang strain at ang genetically-enhanced na galing naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources — Regional Fisheries Training Center (BFAR-RFTC).

Libre itong ipinamamahagi ng City Agriculture Office at ‘first come, first serve’ sa mga residenteng may handa nang paglalagyan ng mga ito.

Ayon pa sa impormasyon ibinahagi ng Gintong Butil Farm hindi maaaring pakawalan sa mga natural water bodies ang mga tilapia upang hindi maging banta sa mga native na isda.

Hinikayat naman ng City Agriculture Office ang mga residente ng lungsod na nais mag-alaga ng tilapia na makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan sa New City Hall sa Bgy. Sta. Monica. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)