Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: BARMM gov’t patuloy ang pamamahagi ng tulong sa mga naulilang indibidwal

Tagalog News: BARMM gov’t patuloy ang pamamahagi ng tulong sa mga naulilang indibidwal

0
   

Tagalog News: BARMM gov’t patuloy ang pamamahagi ng tulong sa mga naulilang indibidwal

LUNGSOD NG COTABATO, Okt. 18 (PIA) – Patuloy ang pamamahagi ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ng bigas at iba pang food items sa nasa 500 naulilang mga indibidwal dito sa lungsod at ilang bayan sa Maguindanao at North Cotabato.

Bawat naulilang indibidwal na nakatira sa iba’t-ibang orphanage centers ay mayroong tig- 25 kilong bigas at ilang food items mula sa Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG) project ng BARMM government.

Ayon kay BARMM Executive Secretary Abdulraof Macacua, pinili bilang mga benepisyaryo ang mga naulilang indibidwal dahil kabilang sila sa mga apektado ng krisis na dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nabatid na una nang nakatanggap ng nabanggit na ayuda ang nasa 273 mga naulilang indibidwal mula sa pitong orphanage centers dito sa lungsod at sa bayan ng Sultan Kudarat sa Maguindanao. Nitong Martes naman ay abot sa 150 mga benepisyaryo mula sa limang orphanage centers sa bayan ng Pikit sa North Cotabato ang nakatanggap din ng kahalintulad na tulong.

Ang pamamahagi ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Al-Jalis As-Salih Inc.-Cotabato na isang youth organization.

Ngayong linggo din ay magpapatuloy ang pamamahagi sa mga orphanage center ng Shariff Saydona Mustapha at Shariff Aguak sa Maguindanao. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM).