Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: Blessing at turn-over ng bagong jail facility sa San Jose, isinagawa

Tagalog News: Blessing at turn-over ng bagong jail facility sa San Jose, isinagawa

0
   

Tagalog News: Blessing at turn-over ng bagong jail facility sa San Jose, isinagawa

Ang bagong San Jose Jail Facility ay may dalawang palapag at anim na selda. Mayroon din itong perimeter fence na magsisilbing proteksyon sa mga nasa loob. (BJMP San Jose/BJMP Mimaropa)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Peb. 26 (PIA) — Isinagawa kamakailan ang blessing, inauguration at turn-over ceremony ng bagong jail facility ng bayan ng San Jose na matatagpuan sa Brgy Mabini ng bayang ito.

Ayon kay Jail Senior Inspector Santiago Bomolyad Jr, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Warden, ang bagong pasilidad ay nakatayo sa 1,000 square meters na lote, at abot sa P15 milyon ang inilaang pondo mula sa Build Build Build program ng pamahalaan. Aniya, ang proyekto ay isang tugon ng administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa problema ng pagsisikip ng mga bilangguan sa bansa.

Ang bagong gusali, ani Bomolyad, ay may dalawang palapag at anim na selda na maaring okupahin ng hanggang 600 Persons Deprived of Liberty (PDL). Mayroon din itong perimeter fence na magsisilbing proteksyon sa mga nasa loob lalo kung may dadalhin dito na itinuturing na high-profile detainee. Ang ikalawang palapag, ayon pa rin sa BJMP Warden, ay planong gawing activity area para sa iba’t ibang gawain at okasyon.

Sinabi ng opisyal na kumpara sa kasalukuyang district jail ng San Jose, higit na maaliwalas ang kanilang lilipatan. “Sa ngayon ay may 133 PDLs lamang tayo kaya maluwag para sa kanila ang bagong jail facility,” ani Bomolyad. Hinihintay na lamang aniya na makabitan ng linya ng tubig mula Prime Waters ang nasabing pasilidad bago simulan ng BJMP San Jose ang paglipat sa bago nitong tahanan.

Samantala, inaanyayahan ni Bomolyad ang sinumang interesadong magsilbi sa bayan bilang Jail Officer 1. Maari aniyang bumisita sa kanilang tanggapan o tingnan sa BJMP Mimaropa Recruitment Facebook Page ang iba pang mga detalye ukol dito. (VND/PIA/ MIMAROPA)