Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: DA, nagsagawa ng monitoring sa mga taniman ng sibuyas sa Tarlac

Tagalog News: DA, nagsagawa ng monitoring sa mga taniman ng sibuyas sa Tarlac

0
   

Tagalog News: DA, nagsagawa ng monitoring sa mga taniman ng sibuyas sa Tarlac

LUNGSOD NG TARLAC, Enero 21 (PIA) — Nagsagawa ng monitoring sa mga taniman ng sibuyas ang Department of Agriculture Regional Crop Protection Center o RCPC laban sa posibleng pamemeste ng onion armyworm sa bayan ng San Manuel.

Nakapipinsala ang armyworm o mas kilala bilang harabas sa iba’t ibang uri ng pananim tulad ng palay, sibuyas at mais.

Ayon kay RCPC OIC Center Chief Edgardo Supan, unang napag-alaman nila na may kaso na ng harabas sa sibuyas sa barangay Sapang, bayan ng Moncada.

Upang mabigyan ng agarang kontrol ito, nagsagawa rin ng monitoring sa karatig bayan kung saan naglagay ng mga pheromone traps para malaman kung may mga naninirahan ng harabas sa mga bukid na may tanim na sibuyas.

Nakatutulong ang pheromone trap na mabawasan ang populasyon ng onion armyworm at malimitahan ang pagdami nila sa paraang nata-trap dito ang mga lalaking paru-paro at namamatay. 

Maliban dito, nagsagawa din ng technical briefing ang mga kawani ng RCPC tungkol sa tamang pamamahala sa iba’t-ibang klase ng sakit at peste ng sibuyas na maaaring mauwi sa pagkalugi kung hindi agad inagapan. 

Nagsagawa ng monitoring ang Kagawaran ng Pagsasaka o DA Regional Crop Protection Center sa mga taniman ng sibuyas sa Tarlac. (Department of Agriculture Central Luzon)

Samantala, nagpasalamat si Juanito Rama ng San Manuel Tarlac Farmers Multipurpose Cooperative sa aksyong ito ng kagawaran.

Aniya malaki ang naitulong nito sakanila dahil sa panahon ngayon ay napakarami ng mga naglalabasang mga peste na hindi nila nalalaman ang pangalan at kung paano ito pamahalaan.

Dagdag pa rito, namigay ang kagawaran ng pheromone traps sa mga magsasaka na magagamit sa kanilang bukid. 

Pakiusap ng RCPC sa mga magsasaka, kung kakitaan ng mga patay na paru-paro ang mga itinayong pheromone traps ay magsagawa ng monitoring sa mga dahon ng sibuyas at huwag agarang magspray ng matatapang na klase ng pestisidyo.

Hinikayat din sila na ipagbigay alam sa kagawaran at sa lokal na pamahalaan ang mga ganitong kaso upang matulungan sa tamang pamamahala nito.

Isinasagawa rin ng RCPC ang monitoring sa Nueva Ecija at Pampanga. (CLJD/GLSB-PIA 3)

Tinuruan ng Regional Crop Protection Center ang mga magsasaka ng sibuyas sa bayan ng San Manuel ng tamang pamanahala sa harabas. (Department of Agriculture Central Luzon)