Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: Depositors ng nagsarang OccMin Rural Bank, pinayuhang makipag-ugnayan sa PDIC

Tagalog News: Depositors ng nagsarang OccMin Rural Bank, pinayuhang makipag-ugnayan sa PDIC

0
   

Tagalog News: Depositors ng nagsarang OccMin Rural Bank, pinayuhang makipag-ugnayan sa PDIC

Nais ng PDIC na agad makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan ang mga depositor ng nagsarang Occidental Mindoro Rural bank. (PDIC)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Abr 16 (PIA) — Nananawagan ang Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) sa mga depositor ng Occidental Mindoro Rural Bank, Incorporated (OMRBI), na matatagpuan sa Quezon St., Brgy. Bagong Sikat Poblacion, Lubang, na makipag-ugnayan sa kanila sa lalong madaling panahon.

Ayon kay Jose Villaret Jr, Vice President of Corporate Affairs ng PDIC, ito ay upang maisaayos ang pagbabalik ng pera sa mga depositor ng OMRBI, na nagsara noong Marso 25.

Sa mga datos na nakalap aniya ng PDIC, may 1,868 accounts ang nabanggit na bangko na may kabuuang deposito na P61.3 milyon.

Ipinaliwanag ni Villaret na ang PDIC ay attached agency ng Department of Finance, na nangangalaga sa mga nakasegurong deposito sa mga bangko. “Insured hanggang P500,000 ang inilagak na pera ng bawat depositor,” ani Villaret. Garantiya ito na maisosoli ng bangko kung magkano man ang deposito na hindi hihigit sa P500,000  Sakali aniyang higit kalahating milyon ang naihulog sa bangko, mababayaran din ang sobra kapag naibenta na ang mga assets o ari-arian ng nagsarang institusyon.

Bagamat tanging Central Bank (CB) ang nakakaalam ng dahilan ng pagsasara ng OMRBI, nabanggit ni Villaret na kadalasan ay pagkalugi ng isang institusyon o pagkakasangkot sa ilegal na transaksyon ang mga sanhi kaya’t pinatitigil ng CB ang operasyon.

“Bahagi ng trabaho ng PDIC ang i-take over ang isang nagsarang bangko, at pag-aralan at suriin ang mga dokumentong may kaugnayan sa assets at liabilities nito,” saad ng opisyal ng PDIC. Bukod aniya sa pagsasaayos ng mga isosoling pera ng mga depositor, nakaatang rin sa kanila ang pangongolekta sa mga may utang o obligasyon pa sa bangko.  

Ayon pa rin kay Villaret, ang mga may deposito sa OMRBI na higit P100,000 at/o may obligasyon pa sa nagsarang bangko ay kailangang mag-file ng deposit insurance claim. Gawin aniya ang mga sumusunod: I-download mula sa PDIC website na www.pdic.gov.ph/files/New_ PDIC_Claim_Form.pdf ang claim form at sagutan ito;  lagdaan ng katulad ng lagda na ginamit ng depositor sa bank records; ipa-notaryo ang duly-accomplished form; ipa-scan ito gayundin ang savings passbook o certificate of time deposit, at isang government-issued ID; at saka i-email ang scanned o soft copies ng mga dokumentong nabanggit sa [email protected]

Ang mga may naiwan namang deposito na P100,000 pababa, walang obligasyon sa OMRBI, hindi nakapangalan sa business entity ang account, at updated ang mailing address, ay hindi na kailangang mag-file ng claim. Padadalhan sila ng postal money order batay sa kanilang bank records. Kung nagbago ng tirahan, magfile ng mailing address update form at ipadala din sa [email protected]

Sakali naman na walang internet access ang depositor, maaring tumawag sa hotline ng PDIC na 02-8841-4141 o toll free hotline 1-800-1888-7342. Maari ding mag-mensahe sa kanilang official Facebook Page (Philippine Deposit Insurance Corporation – PDIC – Home | Facebook) o lumiham sa Public Assistance Department PHILIPPINE DEPOSIT INSURANCE CORPORATION (PDIC) 3/F SSS Bldg. 6782 Ayala Avenue corner V.A Rufino St. Makati City 1226, Metro Manila.

Ipinapaalala ni Villaret na meron lamang dalawang taon ang isang depositor upang mag-claim ng deposit insurance. (VND/PIA Mimaropa)