Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: DTI Nueva Ecija namahagi ng P4.1-M halaga ng starter kit noong 2020

Tagalog News: DTI Nueva Ecija namahagi ng P4.1-M halaga ng starter kit noong 2020

0
   

Tagalog News: DTI Nueva Ecija namahagi ng P4.1-M halaga ng starter kit noong 2020

LUNGSOD NG CABANATUAN, Enero 21 (PIA) — Umabot sa 4.1 milyong pisong halaga ng livelihood starter kit ang naipamahagi ng Department of Trade and Industry o DTI Nueva Ecija noong 2020.
 
Ayon kay DTI Provincial Director Brigida Pili, holistic ang ibinibigay na tulong ng ahensya sa mga nais magsimula o mayroon nang nakatatag na negosyo sa lalawigan.
 
Bukod aniya sa pagbibigay ng livelihood starter kit na pinili mismo ng mga benepisyaryo ay mayroon ding kaloob na mga pagsasanay ang ahensya na magagamit bilang gabay sa pagpapaunlad ng mga negosyo.
 
Kabilang sa mga nabigyan ng pangkabuhayan package ng DTI noong nakaraang taon ay ang mga negosyanteng nasalanta ng kalamidad tulad ng sunog, bagyo, gayundin ang mga matinding naapektuhan ng pandemyang COVID-19 mula sa mga bayan ng Sto. Domingo, Cuyapo, Talavera, Nampicuan, Llanera, Guimba, Gabaldon, Bongabon, General Tinio, Peñaranda at mga lungsod ng Cabanatuan at San Jose. 
 
Ang humigit 3.4 milyong pisong halaga na mga livelihood starter kit na ipinamahagi ay mga paninda para sa bigasan, meat trading, at sari-sari store mula sa programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa o PPG.

Ang mga ipinamahaging pangkabuhayan ng Department of Trade and Industry sa 11 dating rebelde sa bayan ng Bongabon. (DTI Nueva Ecija)

Pinakahuli sa mga nabigyang pangkabuhayan bago natapos ang taong 2020 ay ang nasa 139 dating rebelde at 27 barangay health workers sa Nueva Ecija. 

Bukod sa PPG ay mayroon ding ipinamimigay na livelihood starter kit ang DTI mula sa programang Negosyo Serbisyo sa Barangay o NSB na ang layunin ay mailapit ang mga serbisyo ng tanggapan sa mga nais magkaroon ng negosyo o nagnenegosyo sa mga pamayanan.

Sa 18 nailunsad na NSB sa Nueva Ecija noong nakaraang taon ay umabot sa 110 ang nabigyan ng livelihood starter kit ng DTI na ang kabuuang halaga ay aabot sa halagang humigit 675 libong piso. 

Pahayag ni Pili, magpapatuloy ngayong 2021 ang pamamahagi ng mga livelihood starter kit sa mga nangangailangang kababayan mula sa mga programang PPG at NSB. Target ng tanggapang mailunsad sa taong ito ang karagdagan pang 23 NSB sa Nueva Ecija.

Aniya, sa patuloy na pagbubukas at pagbangon ng ekonomiya sa mga lokalidad ay hangad ng tanggapan mabenepisyuhan ang mga maliliit na nagnenegosyo. (CLJD/CCN-PIA 3)