Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: Hardware stores sa Odiongan, ininspeksyon ng DTI-Romblon

Tagalog News: Hardware stores sa Odiongan, ininspeksyon ng DTI-Romblon

0
   

Tagalog News: Hardware stores sa Odiongan, ininspeksyon ng DTI-Romblon

ODIONGAN, Romblon, Okt. 18 (PIA) — Nakiisa ang Department of Trade and Industry (DTI) Romblon sa sabayang monitoring and enforcement activity ng DTI-Mimaropa noong Miyerkules, Oktubre 14, sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon sa gitna ng banta ng bagyong Ofel.

Ito ay bilang bahagi ng selebrasyon ng Consumer Welfare Month 2020, National Standards Week 2020, at World Standards Day 2020.

Sa bayan ng Odiongan, surpresang ininspeksyon ng mga tauhan ng Provincial Enforcement Monitoring Team ang apat na malalaking tindahan ng hardware sa bayan upang tingnan ang iba’t ibang produktong pang-construction upang masigurado ang kalidad ng mga produktong ibinebenta rito.

Hinanap ng mga tauhan ng DTI sa mga ininspeksyon na produkto ang mga marka ng Philippine Standards (PS) Quality, Safety Certification at ang Import Commodity Clearance (ICC) Certification.

Ayon kay DTI-Romblon provincial director Noel Flores, ang isinagawang inspeksyon sa iba’t ibang malalaking tindahan ay ginagawa ng ahensya para masigurong ligtas ang mga binibili nilang produkto tulad ng mga electrical at electronic devices, mechanical at building supplies, household appliances at mga produktong kemikal na dapat may mga tatak itong PS o ICC stickers.

Kung sakaling may reklamo, maaring kontakin ang DTI-Romblon sa kanilang facebook page o bumisita sa kanilang opisina sa bayan ng Odiongan. (PJF/PIA-Mimaropa)