Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: Higit 24M pasweldo sa TUPAD, kaloob ng DOLE sa OrMin

Tagalog News: Higit 24M pasweldo sa TUPAD, kaloob ng DOLE sa OrMin

0
   

Tagalog News: Higit 24M pasweldo sa TUPAD, kaloob ng DOLE sa OrMin

Si Jennylyn O. Jamilla, benepisyaryo ng TUPAD mula sa bayan ng Gloria, Oriental Mindoro ay lubos na nagpapasalamat sa programa ng gobyerno na malaking tulong sa kanilang pagdiriwang ng pasko. (Larawan mula sa DOLE Mimaropa)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Dec. 21 (PIA) — Kamakailan ay ipinagkaloob ng Department of Labor and Employment (DOLE) Mimaropa ang P24,480,900 sa lalawigan ng Oriental Mindoro upang magbigay ng emergency employment sa mga manggagawa sa impormal na sektor na lubhang naapektuhan ng bagyong Quinta ang hanapbuhay.

Ang programang ito sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ay pakikinabangan ng 4,977 na manggagawa sa lalawigan.

Bunsod ng nakaraang bagyong Quinta na nagdulot ng matinding pinsala sa probinsya at upang mabawasan ang epekto ng COVID-19 pandemya, saklaw ng naturang programa ng ahensya na ipaabot sa 14 na mga munisipalidad at isang lungsod ng lalawigan ng Oriental Mindoro ang programang TUPAD. Ipinagkaloob ng DOLE Mimaropa ang TUPAD para sa mga manggagawang naapektuhan ng pagpapatupad ng quarantine ang hanapbuhay at gayundin sa hagupit ng nakaraang bagyong Quinta.

Bawat benepisyaryo ay makikibahagi sa mga gawaing pang-komunidad gaya ng paglilinis ng mga kalsada, kanal, eskinita, parke at pagdidisimpekta ng mga pampublikong lugar sa mga bayan na kanilang nasasakupan. Kasama rin ang pamamahala at pagtatanim ng halaman at mga puno na nakalaan sa produksyong pang-agrikultura.

Sa nasabing programa, ang bawat benepisyaryo ay magtatrabaho sa kani-kaniyang  bayan o lungsod sa loob ng 15 araw at tatanggap ng umiiral na minimum na sahod sa rehiyon o P320. Sa kabuuan, bawat manggagawa ay may suweldong P4,800 at ito’y makukuha sa pamamagitan ng itinakdang remittance center.

“Maraming maraming salamat sa ating gobyerno sa pamamagitan ng DOLE at nabigyan kami ng ganitong tulong lalo’t sa panahon na may pandemya sa atin at marami ang nawalan ng trabaho. Ito ay malaking tulong sa amin lalo’t ngayon na magpapasko kami ay masaya at kahit may ganitong pandemya ay nandiyan ang ating gobyerno at mga National Government Agencies na handing tumulong”, sabi ni Jennylyn O. Jamilla bilang benepisyaryo ng TUPAD mula sa bayan ng Gloria, Oriental Mindoro.

Samantala, bilang kinatawan ni DOLE Regional Director Atty. Joffrey M. Suyao, ipinahayag ni DOLE Oriental Mindoro Provincial Director Roderick F. Tumacay na “ang TUPAD ng DOLE ay tulad ng isang kabalyero na nagniningning ang sandata sa pinakamadilim na panahon bunsod ng COVID-19 na ito. Sa pamamagitan ng tulong na ito, ang mga apektadong manggagawa o indibidwal ay makakakuha ng napapanahong ayuda mula sa gobyerno upang mapagaan ang kanilang pasanin”.

Ang TUPAD ay isang community-based package sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act 2 at ibibigay bilang emeregency employment para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho at nabawasan ang hanapbuhay. (LC/PIAMimaropa/Calapan)