Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: Kidapawan City LGU naglunsad ng COVID-19 mobile contact tracing app

Tagalog News: Kidapawan City LGU naglunsad ng COVID-19 mobile contact tracing app

0
   

Tagalog News: Kidapawan City LGU naglunsad ng COVID-19 mobile contact tracing app

LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato, Set. 21, (PIA)— Inilunsad ng pamahalaang panlungsod ng Kidapawan ngayong araw ang Barangay Health Emergency Response Team-BHERT Monitoring Application System.

Ito ay upang masigurong epektibo ang pagpapatupad ng contact tracing sa mga indibidwal na posibleng mahawaan ng coronavirus disease 2019. Ang application system na bahagi ng e-governance system na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ay may online at real time na sistema ng contact tracing.

Magiging basehan ng Regional Inter-agency Task Force ang makakalap na mga impormasyon ng BHERT Monitoring App System na magsisilbing local COVID-19 Analytics kung saka-sakaling magpatupad ng localized lockdown ang pamahalaang panlungsod.

Sa ilalim ng BHERT Monitoring Application System, mahalaga ang magiging papel ng barangay midwives dahil sa kanila ipapasa ng mga barangay health worker ang impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga iko-contact trace. Saka naman ipapasa ng mga midwife sa Centralized System na nakalagay sa Operations Center ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang nakuhang impormasyon.

Upang masigurong tuloy-tuloy ang paggamit ng app, sinagot na ng pamahalaang panlungsod ang cellphone load ng mga barangay midwife at health worker, pati na ang fuel allocation ng mga sasakyang kanilang gagamitin sa pagkuha ng impormasyon.

Samantala, tiniyak naman ng pamahalaang panlungsod na sa pamamagitan ng security features ng app, hindi magagamit sa iligal na gawain ang pagkakakilanlan ng kino-contact trace.

Ayon kay City Mayor Joseph Evangelista, may inilaan na security features ang BHERT Monitoring App System para masigurong pribado ang impormasyon lalo na ang pangalan ng na-contact trace. Maiiwasan dito ang paggamit ng hindi totoong pangalan ng na-contract trace dahil may ilalaan na sariling serial number ang app para sa kanya.

Nabatid na ang BHERT Monitoring Application System ay locally-developed dahil taga-lungsod mismo ang nagdisenyo ng naturang mobile application na pwedeng gamitin sa mga android at smart phone. (With reports from Kidapawan City Information Office)