Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: LGU San Mateo pinapaigting ang pagbibigay ng impormasyon at kaalaman ukol sa COVID-19 vaccine

Tagalog News: LGU San Mateo pinapaigting ang pagbibigay ng impormasyon at kaalaman ukol sa COVID-19 vaccine

0
   

Tagalog News: LGU San Mateo pinapaigting ang pagbibigay ng impormasyon at kaalaman ukol sa COVID-19 vaccine

LUNGSOD NG CALAMBA, Peb. 24 (PIA) –Lalo pang paiigtingin ng pamahalaang lokal ng San Mateo, Rizal ang pagbibigay ng impormasyon at kaalaman tungkol sa COVID-19 vaccine ayon sa atas kamakailan ni Mayor Tina Diaz sa Municipal Health Office (MHO) na nasa pamamahala ni Dr. Maria Anna A. Sochaco. 

Ito ay upang lubos na maunawan ng mga residente ang proseso, ang mga benepisyo at mga dapat malaman ng ating mga kababayan sa sandaling magsimula na ang pagbabakuna laban sa pandemya.

Pinalalatag na rin ni Mayor Tina Diaz ang panuntunan at direksyon para sa mga nais mabakunahan at tinututukan ng husto katuwang ang San Mateo Covid-19 Vaccination Task Force ang lahat ng proseso at detalye ng roll-out o pagpapatupad ng Covid-19 vaccination.

Giit ng Punong Bayan, “dapat maging malinaw ang lahat ng proseso sa araw ng pagbabakuna at kung paano makapagpapatala ang ating mga kababayang nais mabakunahan.”

Sa sandali aniyang simulan na ang Covid-19 Vaccination Program, mahalagang alam ng mga residente na ang pagpapabakuna ay isang paraan para maproteksiyunan ang lahat at mga mahal sa buhay sa banta at panganib na dala ng COVID-19.

Samantala, sang-ayon na magpabakuna ng Covid-19 vaccine ang lahat ng mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaaang bayan ayon sa naging pahayag ng mga department at unit heads sa pulong kamakailan na pinamunuan ni Mayor Tina Diaz.

Sa inilabas na guidelines ng IATF, kabilang ang mga frontliners sa mga unang mababakunahan ng Covid-19 vaccine sa sandaling dumating ito. (CPG, PIA-4A at ulat mula sa Mun. of San Mateo FB Page)