Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: Libreng gamot sa ‘Botika ng Pagmamahal,’ handog ng Baco LGU

Tagalog News: Libreng gamot sa ‘Botika ng Pagmamahal,’ handog ng Baco LGU

0
   

Tagalog News: Libreng gamot sa ‘Botika ng Pagmamahal,’ handog ng Baco LGU

Nagpaunlak ng panayam mula sa kanyang tanggapan si Baco Municipal Mayor Reynaldo Marco sa PIA-OrMin upang ipaalam sa Bacoeño ang libreng gamot na ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan na makukuha sa ‘Botika ng Pagmamahal’. (Dennis Nebrejo, PIA Oriental Mindoro)

BACO, Oriental Mindoro, Hun. 29 (PIA) — “Lahat ng mga gamot sa aming ‘Botika ng Pagmamahal’ ay libre para sa lahat, kailangan lamang ng mga kaukulang reseta o preskripto mula sa mga doktor ng Rural Health Unit (RHU) para makakuha ng medisina.”

Ito ang masayang ibinalita ni Baco Mayor Reynaldo A. Marco sa isinagawang panayam ng PIA – Oriental Mindoro sa kanyang tanggapan ngayong araw.

Ayon kay Marco, lahat aniya ng gamot sa nasabing botika ay libre para sa mga mamamayan, dahil isa ito sa mga nakapaloob sa Universal Health Care Program ng pamahalaan.  Sinang-ayunan ito ng alakde na nagsabing kailangan ng lahat ng mamamayan ang mapanatiling malusog ang pangangatawan at walang iniindang mga karamdaman.

“Kung iaasa pa nila ang ipambibili ng gamot mula sa sariling bulsa, malaking kabawasan na ito para sa pang araw-araw nilang pangangailangan,” dagdag pa ni Marco.

Sakali naman sa isang pribadong doktor nagmula ang reseta, mayroon din silang gamot na katumbas nito ngunit hindi sa inaasahan na mamahaling kalidad at ito ay libre pa din. Kung wala naman yung gamot at residente ng bayan ang nangangailangan, maari nilang pagkalooban ito ng medical cash assistance upang sila na ang bibili sa ibang botika. Gayundin naman, maari din anya ang Local Government Unit (LGU) ang makikipagugnayan sa botika upang sila na ang bibili ng gamot at saka ibibigay sa nangangailangan.

Ang Botika ng Pagmamahal ay matatagpuan sa unang palapag sa kanang bahagi ng gusali ng pamahalaang bayan kung saan ito ay may malawak na ispasyo na binuksan nito lamang buwan ng Abril. Kasalukuyang isinusulong sa Sangguniang Bayan ang isang resolusyon para sa hiling ng alkalde na magkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan nila ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) upang mapagkalooban ito ng lisensiya para pormal na kilalanin bilang ‘Botika ng Bayan ng Baco.’

Ang mga gamot na karaniwang kailangan ng isang may karamdaman ay mayroon sa naturang botika tulad ng paracetamol, amoxicillin, mefenamic acid at iba pa na nagmula sa DOH at FDA-approved. Nangangalap din ang LGU mula sa malalaking kumpanya ng mga gamot gayundin ang pangtanggap nila sa mga nais mag-donate para sa nasabing parmasya. (DPCN/PIA-OrMin)