Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: Mayor Baldos nilinaw ang isyu ng pagbabakuna sa Pinamalayan

Tagalog News: Mayor Baldos nilinaw ang isyu ng pagbabakuna sa Pinamalayan

0
   

Tagalog News: Mayor Baldos nilinaw ang isyu ng pagbabakuna sa Pinamalayan

Panayam ni Secretary Andanar kay Mayor Aristeo A. Baldos, Jr. ng bayan ng Pinamalayan kasama si Mhel Francisco ng Tamaraw Vision Network sa isinagawang Network Briefing News ngayong Marso 2.  (Photo screenshot by: Luis T. Cueto)

CALAPAN, Oriental Mindoro, Mar. 2 (PIA) — Sa panayam na isinagawa ni Secretary Martin Andanar sa Network Briefing News ngayong umaga, nilinaw ni Mayor Aristeo A. Baldos, Jr. ang estado ng usaping pagbabakuna sa kanilang bayan.

“Matagal naming hinihintay ang resulta ng aming ginawang survey o pagtatanong  sa mga mamamayan.  Lumabas ang result na 70 porsyento ang umaayaw sa bakuna at 30 porsyento lamang ang may gusto.  Sa ngayon, dahil sa roll-out na ginagawa sa pagbabakuna, marahil ay nagbaligtad na, marami na marahil ang papayag  at magiging matagumpay na tayo sa ating pagbabakuna,” pahayag ng alkalde.

Binigyang-diin ni Mayor Baldos na ang pamahalaan ay hindi magro-roll-out ng proyekto kung ito aniya ay makakasira sa mamamayan, dahil apektado nito ang lahat ng tao.  Sa kanyang mensahe, siniguro ng alkalde na ang bakuna  ang kasagutan sa pandemya.

Upang masolusyunan ang usaping ito, patuloy ang isinasagawang malawakang kampanya ng pamahalaang lokal partikular sa mga barangay na kung saan dapat ipaliwanag sa mga mamamayan ang kahalagahan ng bakuna laban sa COVID-19.

Bilang patunay sa isinasagawang kampanya, sinabi ng alkalde na kung kinakailangan na siya ay bakunahan kasama ang mga helath worker ay walang pagtutol sa kanyang bahagi upang ipakita sa mamamayan na ligtas ang bakuna.

Sa usaping pang-agrikultura, sinabi ni Mayor Baldos na ang bayan ng Pinamalayan ay kilala bilang producer ng saging at niyog dahil sa kanilang fertile land.  Kilala ang Pinamalayan bilang exporter ng banana chips at ito ay sinusuportahan ng pamahalaang lokal kasama ang pamahalaang nasyunal na nagbibigay ng modernong teknolohiya upang maiangat ang kalidad at antas ng mga produktong ginagawa.

“Number 1 producer kami ng bigas na kung saan ang surplus nito ay dinadala sa Maynila at mga karatig-bayan at probinsya tulad ng Marinduque at bahagi ng Romblon.  Kilala ang aming Mindoro Rice na masarap at maipagmamalaki ng Mindoro,” ayon sa alkalde.

Binigyan din ng pagkakataon ni Secretary Andanar si Mayor Baldos para sa kaniyang panawagan at kahilingan sa pamahalaan para sa kanyang bayan.

“Ako po ay nananawagan sa pamahalaan, lalo na kay Pangulong Duterte na sana ay mapagkalooban na kami ng bagong Fire Truck para magamit namin sa pagpatay ng sunog.  Ang fire truck po naming ay since 1983 pa, sira-sira na at halos hindi na maka-cope up sa nangyaring sunog kamakailan sa aming townhall.  Ito ay anim na taon nang nire-request ng aming pamahalaan at may mahigit na rin kaming 100,000 na populasyon kung kaya’t kailangang-kailangan ito,” pahayag ng alkalde.

Isa pang gustong bigyan ng solusyon sa naturang bayan ay ang sinabi ng alkalde na hindi maayos ang kanilang pantalan.  Dahil dito, nananawagan din ang alkalde sa Philippine Ports Authority (PPA) na tulungan sila sapagkat ayon sa kaniya, ang kanilang bayan ay trading hub ng Marinduque at Romblon.  Gayundin, hinihiling niya na matulungan sila ni Speaker Velasco ng Marinduque para sa maayos na partnership trading  ng Pinamalayan at lalawigan ng Marinduque.

Sa usapin naman tungkol sa pagpasok ng kanilang mga kababayan, nilinaw din ng alkalde na wala nang mga papeles na hahanapin pa at malaya na ang mga mamamayan na pumasok sa kanilang bayan ayon sa ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF).  Hinihintay na lamang aniya ang pinal na pag-uusap at pagde-desisyon ng tanggapan ng kapitolyo na isinasagawa ngayong araw.

Samantala, nabanggit din ng alkalde ang programa ng pamahalaang lokal tungkol sa kababaihan ngayong buwan ng Marso.  Aniya, walang pagtitipong isinasagawa ang pamahalaang lokal dahil bawal pa ang mga ito, subalit patuloy silang gumagabay at tumutulong sa mga adhikain ng mga kababaihan sa kani-kanilang barangay tulad ng pagbibigay ng mga livelihood program na naaangkop sa pangangailangan ng mga samahan.  Dagdag pa rito ay ang pagbibigay ng pamahalaang lokal kasama and Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng  ayudang pinansyal na nagkakahalaga ng P10,000-P15,000 livelihood assistance para sa mga negosyong naapektuhan ng pandemya.  (LTC/PIA-OrMin)