Tagalog News: Mental health tinututukan ng DOH-XII sa gitna ng pandemya
Tagalog News: Mental health tinututukan ng DOH-XII sa gitna ng pandemya
LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato, Hulyo 10 (PIA)—Binigyang-diin ng pamunuan ng Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) XII na nakatutok din ang ahensya sa mental health sa panahon ngayon ng pandemya.
Sa pulong-balitaan kamakailan, sinabi ni DOH-CHD XII Family Health Cluster head Dr. Edvir Jane Montañer, nagsasagawa ang ahensya ng stress debriefing upang matugunan ang pangangailangan ng mamamayan sa kalusugang pangkaisipan lalo na ngayong may nararanasang krisis dahil sa banta ng coronavirus disease 2019.
Ngunit nilinaw ni Montañer na inuunang isinasagawa ngayon ang stress debriefing sa mga frontline worker laban sa COVID-19. Giit naman ng opisyal, pagkatapos nito ay bababa ang DOH-CHD XII sa komunidad upang magsagawa ng kahalintulad na aktibidad.
Dagdag pa ni Montañer, nakapagsagawa din ng stress debriefing ang ahensya noong mga panahong may kalamidad sa rehiyon lalo na ang pagtama ng sunod-sunod na lindol sa Cotabato Province.
Samantala, inihayag niya na sakaling may mangangailangan ng tulong sa aspeto ng mental health, maaaring sumangguni sa COVID response hotlines ng ahensya sa numero bilang, 0915-783-9367, 0919-903-8789, at (064)-557-4916. (PIA Cotabato City)