Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: Napinsalaan ng bahay dahil sa ‘Ulysses’ sa Hagonoy, inayudahan

Tagalog News: Napinsalaan ng bahay dahil sa ‘Ulysses’ sa Hagonoy, inayudahan

0
   

Tagalog News: Napinsalaan ng bahay dahil sa ‘Ulysses’ sa Hagonoy, inayudahan

HAGONOY, Bulacan, Nobyembre 22 (PIA) — Sinaklolohan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang may 610 na mga pamilyang nasiraan, o labis na napinsala ang bahay dahil sa paghagupit ng bagyong Ulysses.
 
May halagang tatlong libong piso ang natanggap ng bawat pinuno ng pamilya mula sa Assistance for Individuals in Crisis Situation o AICS ng DSWD.
 
Base sa listahan ng pamahalaang bayan ng Hagonoy, 506 na pamamahay ang bahagyang nasira habang 104 ang malaki ang naging sira gaya ng pagkawala ng bubungan.
 
Ayon kay DSWD Undersecretary Aimee Torrefranca-Neri, ang pamamahagi ng AICS sa Hagonoy ay bahagi ng maraming serye na ipinaabot din sa mga nasalanta ng mga bagyong Rolly at Ulysses sa Bicol, Marikina, Rizal at Cagayan Valley.
 
Pinayuhan niya ang mga benepisyaryo na maging wasto sa paggugol ng ipinagkaloob na ayuda upang maging ganap ang pagbangon mula sa kalamidad.
 
Kabilang sa mga nakinabang si Marjorie Umali na natanggalan ng bubungan sa kasagsagan ng bagyong Ulysses.

Sinaklolohan ng Department of Social Welfare and Development ang may 610 na mga pamilyang nasiraan, o labis na napinsala ang bahay dahil sa paghagupit ng bagyong Ulysses. (Rodel Zuniga/PIA 3)

Siya ay taga-barangay San Juan. Malaking tulong aniya na mapagkalooban ng AICS upang magkaroon muli ng bubong ang kanilang tahanan, lalo pa ngayong nag-aaral ang kanyang anak na Grade 4 sa pamamagitan ng online class.
 
Kaugnay nito, isa rin siya 15 benepisyaryo na nakatanggap ng tablet para mas maging madali sa kanyang anak na makapag-online class sa halip na cellphone lamang ang ginagamit.
 
Tumanggap din ang mga benepisyaryo ng AICS na gaya niya, ng tig-iisang grocery pack na kinapapalooban ng tatlong kilong bigas, anim na lata ng sardinas, limang pakete ng noodles at tig-isang pack ng mga biskwit at powdered milk.
 
May pasunod pang 20 yunit ng bisikleta para sa mga benepisyaryong pawang mga arawang namamasukan o naghahanapbuhay.
 
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat kay Pangulong Duterte si Mayor Raulito Manlapaz dahil sa nakatakdang pagkakaloob sa pamahalaang bayan ng isang porsyentong karagdagang Internal Revenue Allotment o katumbas ng 30 milyong piso para sa kanyang bayan.
 
Malaking tulong aniya ito bilang pandagdag na pantulong sa mga mamamayan na nangangailangan matapos ang bagyo. (CLJD/SFV-PIA 3)