Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: ‘One Filipino, One Bank Account’ magtutulak sa digitalization ng mga transaksiyon sa bansa –Gatchalian

Tagalog News: ‘One Filipino, One Bank Account’ magtutulak sa digitalization ng mga transaksiyon sa bansa –Gatchalian

0
   

Tagalog News: ‘One Filipino, One Bank Account’ magtutulak sa digitalization ng mga transaksiyon sa bansa –Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 5 (PIA) — Sinabi ngayong araw ni Senator Win Gatchalian na magbibigay daan sa digitalization ng mga transaksyon sa bansa ang pagsusulong ng pagkakaroon ng pantay-pantay na access sa mga serbisyong pinansyal. 

“Itinutulak sa ating bansa ang financial inclusion dahil less than 20 percent lang ng populasyon natin ang may bank account. Halos lahat talaga ay cash ang ginagamit pero sa ganitong panahon, lalo na’t may pandemya, electronic na ang ginagamit at ‘yan ang future sa digital banking at payments. Dyan na rin papunta ang karamihan sa ibang bansa ,” sabi ni Gatchalian na siya ring Vice Chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies.

Binabalangkas ng senador ang kanyang panukalang batas na tatawaging “One Filipino, One Bank Account” na naglalayong mabigyan ang bawat Pilipino ng sariling bank account o virtual wallet na paglalagakan ng mga ayuda galing sa gobyerno kasama na dito ang educational at medical assistance. Ipapanukala rin ni Gatchalian na dapat walang minimum deposit amount ang nasabing bank account.

Kapag may sariling bank account o virtual wallet na ang bawat Pilipino, maaari nang maisakatuparan ang “cashless” na mga transaksyon o digital payments na naging paraan ng marami sa pagsasaayos ng kanilang mga bayarin magmula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic noong nakaraang taon.

Sa pinakahuling financial inclusion survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), napag-alaman na lumobo ang bilang ng mga gumagamit ng kanilang bank account sa kanilang mga bayarin. Mula 18% noong 2017 tumaas ito ng 39% noong 2019. Karamihan ay nagsabi na ginamit nila ang bank accounts nila para tanggapin ang kanilang mga sahod at mga benepisyong mula sa gobyerno. Sa mga hindi gumagamit ng bank account sa mga bayarin, karamihan ay nagsabing mas gusto pa rin nila ang nakagawiang cash transactions samantalang ang iba naman ay aminadong hindi alam ang ganitong paraan ng pagbabayad.

Lumabas din sa nasabing survey na kakaunti lang ang gumagamit ng internet o mobile banking kumpara sa ibang paraan ng transaksyon. Ang mga over the counter (OTC) ang pinakamadalas na paraan ng transaksyong ginagamit sa lahat ng klase ng accounts.

“Sa pagbubukas ng sariling account o virtual wallet, ang mga tao ay matututo ng kahalagahan ng pagma-manage ng pera at pag-iimpok. Dapat ito ay may kaakibat rin na pagtuturo sa mga ordinaryong Pilipino ng pamamaraan ng paghawak ng pera, ipon, at mga gastusin,” paliwanag ni Gatchalian. (PIA NCR)