Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: Pagpapaigting ng seguridad sa panahon ng plebisito sa Palawan, kasado na

Tagalog News: Pagpapaigting ng seguridad sa panahon ng plebisito sa Palawan, kasado na

0
   

Tagalog News: Pagpapaigting ng seguridad sa panahon ng plebisito sa Palawan, kasado na

Tiniyak ng Palawan Provincial Police Office (PPO) na paiigtingin ng kanilang hanay ang police visibility sa iba’t ibang bayan sa lalawigan  bilang bahagi ng pagtiyak sa seguridad ngayong panahon ng plebisito sa paghahati sa Palawan sa tatlong probinsya. (Larawan mula sa MPS-Aborlan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Peb. 23 (PIA) — Nakahanda na ang Palawan Provincial Police Office (PPO) sa pagpapatupad ng seguridad sa panahon ng plebisito para sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya.

Sa media briefing kamakailan, tiniyak ni Police Colonel Frederick Obar, provincial director ng PPO na nailatag na nila ng maayos ang mga panuntunan sa bawat bayan sa lalawigan.

May mga nakakalat na rin aniyang Commission on Elections (Comelec) checkpoint sa bawat bayan na magpapalipat-lipat ng lugar para sa katiyakan ng kapayapaan at katahimikan sa kani-kanilang nasasakupan.

“Maliban sa checkpoint, kasama rin naming ipinatutupad ang ‘Oplan Sita’ at ‘Oplan Bakal’, pero tukoy naman ng ating pulisya ang mga exemption halimbawa sa firearm,” ani naman ni Police Lieutenant Col. June Rian, tagapagsalita ng PPO.

Katuwang ng pulisya ang iba pang mga tagapagpatupad ng batas katulad na lamang ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Rian, tagapagsalita ng PPO, mas palalakasin pa nila ang puwersa ng pulisya sa pamamagitan ng pagdadadgdag  ng mga tauhan na magmumula sa PNP Regional Office sa Calapan.

Gayunpaman, nilinaw ni Rian na walang lugar sa Palawan na maituturing na area of concern sa kasalukuyan, ngunit kanila pa ring hihigpitan at palalakasin ang police visibility at ang pagbabantay upang maiiwasan ang ano mang kaguluhan hanggang sa matapos ang plebisito. (LBD/PIAMIMAROPA)