Tagalog News: PH nagbukas ng kauna-unahang “Green Lane” sa Asya para sa mga marino
Tagalog News: PH nagbukas ng kauna-unahang “Green Lane” sa Asya para sa mga marino
LUNGSOD MAYNILA, Hulyo 4 (PIA) — Upang mas maging mabilis at ligtas ang paglalakbay ng mga manggagawang pandagat sa panahon ng pandemya, nilagdaan ng ilang ahensya ng gobyerno ang Philippine Green Lane Joint Circular. Ito ay ginaganap sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) kamakailan.
Isinasaad sa Green Joint circular na kinakailangang sumailalim ang mga lokal at dayuhang marino sa mga protokol sa kalusugan ng gobyerno upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Itinakda rin ng nasabing joint circular ang mga pamantayan at magiging daloy ng proseso sa bawat naaangkop na senaryo na dapat sundin ng lahat mga stakeholders upang maisaayos ang pagpapalit ng crew at pagpasok at paglabas sa bansa.
Binigyan diin ni Secretary Locsin ng DFA ang importansya ng mga marino sa pagpapanatili ng kalakalang pandaigdig at pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa, “We need to address the situation of the world’s seafarers without whom there would be no shipping and who ensure the maintenance of global supply chains,” ayon pa sa Kalihim.
Idinagdag pa ng Kalihim na ang mga patnubay na ito ay tugon ng gobyerno sa panawagan ng International Maritime Organization (IMO) at mga industriya ng maritime, upang masiguro ang kaligtasan sa mga nagtatrabaho sa barko sa panahong ito.
“With these guidelines, we are answering the call of the International Maritime Organization (IMO) and the maritime industries, to put in place a framework for ensuring safe ship crew changes and travel during the COVID-19 pandemic. And we are doing more,” ayon pa kay Secretary Locsin.
Saklaw ng joint circular ang mga manggagawang pandagat, mga lisensyadong ahensya at kumpanya sa pagpapadala, mga paliparan, at iba pang magpapadali sa paglalakbay ng mga marino.
Ang joint circular ay nabuo sa pakikipagtulungan ng DFA, Department of Justice (DOJ), Department of Transportation (DOTr), Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of the Interior and Local Government (DILG), Maritime Industry Authority (Marina), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Bureau of Quarantine (BoQ), Bureau of Immigration (BI), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Manila International Airport Authority (MIAA) and Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).(JAMT/PIA_IDPD/Karagdagang impormasyon mula sa DFA)