Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: Pura, inilahad ang mga inisyatibo sa ‘new normal’ ng edukasyon

Tagalog News: Pura, inilahad ang mga inisyatibo sa ‘new normal’ ng edukasyon

0
   

Tagalog News: Pura, inilahad ang mga inisyatibo sa ‘new normal’ ng edukasyon

PURA, Tarlac, Enero 20 (PIA) — Binigyang-diin ng pamahalaang bayan ng Pura ang iba’t-ibang inisyatibo nito upang suportahan ang edukasyon sa ilalim ng bagong normal. 
 
Ayon kay Mayor Freddie Domingo, prayoridad niya na maisulong ang de-kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral sa kabila ng pandemya. 
 
Pahayag ni Domingo, bago pa man nagbukas ang pasok sa mga pampublikong paaralan noong Oktubre ay nakipagpulong na ang kanyang tanggapan sa Kagawaran ng Edukasyon, mga principal at guro upang pag-usapan ang mga pangangailangan sa bagong pamamaraan ng pagtuturo.  
 
Aniya, pantay na ipinamahagi sa mga eskwelahan ang pondo sa ilalim ng Special Education Fund para sa pagbili ng mga kakailanganing kagamitan gaya ng laptop, photo copy machine, printer at iba pa. 
 
Dagdag pa ng alkalde, naglaan ng pondo ang pamahalaang bayan mula sa General Fund upang madagdagan ang mga photo copy machine at bond paper na gagamitin para sa modular learning. 
 
Bukod dito, binanggit ni Domingo ang scholarship program ng Pura para sa mga estudyanteng nasa kolehiyo. 

Si Pura, Tarlac Mayor Freddie Domingo (Trixie Joy B. Manalili/PIA 3)

Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 400 iskolar ng bayan ang nakakatanggap ng 3,000 hanggang 4,000 piso kada semestre. 
 
Ani Domingo, pinagkakalooban din ng tulong-pinansyal ang mga anak ng solo parent, non-Pantawid Pamilyang Pilipino Program beneficiary, at Persons with Disability. 
 
Giit niya, bagama’t may pandemya ay hindi tumigil ang social services na iniaabot ng pamahalaan para tugunan ang pangangailangan ng mga benepisyaryo. 
 
Samantala, ipinaliwanag ni Domingo ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga kapitan ng barangay para sa pagpapakabit ng internet connection sa bawat barangay hall. 
 
Aniya, hindi lahat ng mag-aaral ay may internet connection sa bahay kung kaya’t lubos na makakatulong ang naturang inisyatibo sa pagpapadali ng kanilang leksyon. 
 
Alinsunod din ito sa kasunduan ng lokal na pamahalaan sa Tarlac State University at Tarlac Agricultural University na naglalayong tulungan ang mga estudyante sa online learning. 
 
Pagtitiyak ni Domingo, magpapatuloy ang mga naturang programa ng pamahalaan upang suportahan ang mga guro at mag-aaral sa gitna ng pandemya. (CLJD/TJBM-PIA 3)