Suplay ng produktong agrikultura sa Labo, sapat sa panahon ng pandemya
Suplay ng produktong agrikultura sa Labo, sapat sa panahon ng pandemya
DAET, Camarines Norte, Hulyo 3 (PIA) –– Sapat ang produktong agrikultura sa bayan ng Labo dahil naagapan ang pagtatanim ng mga ibat-ibang binhi partikular na ang gulay simula ng magkaroon ng pandemya sa bansa dulot ng COVID-19.
Nabatid ito sa isinagawang Network Briefing ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa pangunguna ni Secretary Martin Andanar kung saan nakapanayam ng kalihim si Mayor Joseph V. Ascutia ng bayan ng Labo, Camarines Norte.
Ayon sa Alkalde, simula ng magkaroon ng pandemya at nag-lock down sa ibat-ibang mga lugar ay namahagi ang lokal na pamahalaan ng mga binhing gulay at matapos ang 30 araw ay nakapag-ani ang kanilang mga mamamayan.
Aniya, ang suplay ng gulay sa bayan ng Labo ay sapat upang tumugon sa mga barangay para sa pangangailangan sa pagkain at hindi naging problema ang pagkakaroon ng COVID.
Ayon pa kay Ascutia, pagdating sa agrikultura, pangunahing produkto ng Labo ang niyog at palay ganundin ang pagtatanim ng ibat-ibang mga gulay.
Iminungkahi naman ni Sec. Andanar sakaling kailanganin ang suporta ng PCOO sa pagsusulong ng industriya ng agrikultura sa bayan ng Labo ay maaaring tumawag sa kanyang tanggapan upang mabigyan ng pagkakataon na maipalabas ito sa mga nasyunal na telebisyon at radyo, Philippine News Agency (PNA) at sa Philippine Information Agency (PIA).
Samantala, batay sa datos ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan, ang bayan ng Labo ay nasa 1st class municipality na mayroong kabuuang 38,647 ektaryang produksiyon ng agrikultura.
Umaabot sa 32,857 ektaryang lawak ang taniman ng niyog at 2,255 ektarya naman ang taniman ng palay samantalang kabilang pa rin sa mga produktong agrikultura ang pinya, mais, root crops, bungang kahoy, saging, pili at ang cacao.
Maliban kay Mayor Ascutia, nakapanayam din ni Sec. Andanar sa naturang programa si Michael Aling, presidente ng Sangguniang Kabataan Federation ng Camarines Norte kung saan ipinahayag niya ang mga isanagawa at gagawin pang mga proyekto sa lalawigan.
Sinabi niya na namahagi sila ng mga relief goods, sabon at alcohol gayun din ng mga babasahin para sa kamalayan sa pag-iwas sa virus partikular sa kanyang barangay sa Anahaw, samantalang ang ibang SK ay may kanya-kanya namang kahalintulad na aktibidad.
Ayon kay Aling, ang SK Provincial Federation at ang Provincial Youth Development Office ay pupunta sa bawat barangay upang magkaroon ng kumustahan para mabisita ang mga kabataan at magbibigay ng kanilang mga pangangailangan ganundin ang pagsasagawa ng online tutorial.
Malaki ang maitutulong ng online tutorial sa mga kabataan dahil hindi na kailangan na lumabas ng tahanan at pagtutuunan ang magiging proyekto ng Sangguniang Panlalawigan (SP), at SK Federation katuwang ang pamahalaang panlalawigan.
Sa nasabing programa nakapanayam din ni Sec. Andanar si Usec. Jonathan Malaya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na agad namang tumugon sa mga katanungan ni Mayor Ascutia.
Katuwang sa Network Briefing bilang mga co-host ni Sec. Andanar sina Station Manager Ivy Garcia ng DWCN-FM at Publisher/SM Rodel Llovit ng Camarines Norte News/DWEN-Cool Radio.
Ang nasabing Network Briefing ay ipinalabas sa Radyo Pilipinas at PTV-4 ganon din sa ibat ibang channel ng gobyerno noong unang araw ng Hulyo, 2020. Napapanood din ito online sa FB page ng Radyo Pilipinas at PTV-4 araw-araw mula Lunes hanggang Sabado.
Sa Camarines Norte ito ay isinahimpapawid din sa DWCN-FM, DWEN-FM Cool Radio, DWLB-FM at ganon din CN News sa kanilang facebook account. (RBM/ROVillamonte, PIAV/Camarines Norte)