Tagalog News: 2 bagong kaso ng COVID-19, naitala sa Occ Min
Tagalog News: 2 bagong kaso ng COVID-19, naitala sa Occ Min
SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hun. 30 (PIA) – Naitala kahapon ang ika-44 at 45 positibong kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa lalawigan.
Ayon sa Provincial Health Office (PHO), ang ika-44 na positibong kaso ay isang 33 taong gulang na babae at health care worker sa Abra de Ilog Community Hospital. Kinunan siya ng specimen noong ika-26 ng Hunyo bilang bahagi ng Expanded Targeted Testing ng pamahalaang panlalawigan. “Asymptomatic si Patient #44 at isolated na simula pa nang kunan ng swab test,” paglilinaw ni Dr. Ma Teresa Tan, Provincial Health Officer.
Dahil sa pangyayaring ito, pansamantalang isinara ang Abra de Ilog Community Hospital hanggang ika-5 ng Hulyo upang makapagsagawa ng disinfection, at kunan na rin ng swab test ang lahat ng empleyadong nakasalamuha ni Patient #44.
Samantala si Patient #45 ay 34 anyos na residente ng Magsaysay at manggagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa isang proyekto nito sa Sablayan. Ayon sa ulat ng PHO, naka-quarantine na ito noon pang Marso, at negatibo naman sa COVID-19 ang 16 pang kasamahan nitong manggagawa na sumalang sa kaparehong swab test. Tulad ni Patient#44, asymptomatic rin si Patient #45.
Ang dalawang bagong kaso ay patunay na marapat lamang ang patuloy na panawagan ni Dr Tan na hindi dapat maging kampante ang mga mamamayan ng lalawigan. Aniya, marami na siyang nakikitang hindi sumusunod sa health protocols. “Dapat laging sundin ang physical distancing, pagsusuot ng face mask, at paghuhugas ng kamay,” paalala ng opisyal ng PHO. (VND/PIA MIMAROPA)