Tagalog News: BARMM gov’t bumuo ng opisina para sa 63 barangay ng Cotabato Prov
Tagalog News: BARMM gov’t bumuo ng opisina para sa 63 barangay ng Cotabato Prov
LUNGSOD NG COTABATO, Hulyo 1 (PIA) – Binuo kamakailan ng pamahalaan ng Bangsamoro ang Development Coordinating Office (DCO) na tututok sa 63 mga barangay sa lalawigan ng Cotabato na kabilang na sa teritoryo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Kahapon ay pormal nang nanumpa ng kanilang Oath of Moral Governance ang mga opisyal ng nasabing opisina sa harap ni BARMM Chief Minister Ahod ‘Al Haj Murad’ Ebrahim.
Itinalaga bilang administrator ng nasabing opisina si Mohammad Kelie Antao, habang sina Jimmy Adil, Jabib Guiabar, Esmael Maguid, Duma Mascud, Ibrahim Rahman, Abdulatip Tiago, at Nayang Timan naman ay itinalaga bilang area coordinators.
Nabuo ang nasabing opisina sa pamamagitan ng Executive Order na inilabas ng Office of the Chief Minister noong January 27, 2020, kung saan nakasaad na ito ay magiging pangunahing opisina para sa pagpaplano at implementasyon ng mga programa, proyekto, at aktibidad ng BARMM ministries at offices sa mga barangay ng Cotabato.
Pangangasiwaan naman ito ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG-BARMM).
Matatandaang napabilang ang 63 barangay ng Cotabato sa pamamahala ng BARMM matapos bumoto ang mga residente nito na maisali ang kanilang barangay sa BARMM
Ang 63 barangay ay ang Dunguan at Tapodoc sa Aleosan; Manarapan, Nasapian, Kibayao, Kitulaan, Langogan, Pebpoloan, at Tupig sa Carmen; Nanga-an, Simbuhay, Sanggadong, Buluan, Pedtad, Simone, at Tamped sa Kabacan; Damatulan, Kadigasan, Kadingilan, Kapinpilan, Kudarangan, Central Labas, Malingao, Mudseng, Nabalawag, Olandang, Sambulawan, Tugal, at Tumbras sa Midsayap; Lower Baguer, Balacayon, Buricain, Datu Binasing, Kadingilan, Matilac, Patot, Lower Pangangkalan, Datu Mantil, Libungan Torreta, Upper Pangangkalan, at Simsiman sa Pigcawayan; at Bagoinged, S. Balong, S. Balongis, Batulaawan, Buliok, Gokotan, Kabasalan, Lagunde, Macabual, Macasendeg, Barungis, Bualan, Bulol, Fort Pikit, Gli-gli, Manaulanan, Nabundas, Nalapaan, Nunguan, Pamalian, Panicupan, at Rajah Muda sa Pikit. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM)