Tagalog News: DOH XII hinikayat ang publiko na suportahan ang kampanya kontra polio
Tagalog News: DOH XII hinikayat ang publiko na suportahan ang kampanya kontra polio
LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato, Hulyo 4 (PIA)— Hinikayat ng Department of Health-Center for Health Development SOCCSKSARGEN Region ang publiko lalo na ang mga magulang na suportahan ang kampanya kontra polio.
Ito ay sa pamamagitan ng pagpapabakuna laban sa polio ng mga batang edad limang taong gulang pababa.
Sa pulong-balitaan kamakailan, sinabi ni Dr. Sulpicio Henry Legaspi, assistant regional director ng DOH-CHD XII na binibigyang importansya ng ahensya ang kampanya kontra polio gayong hindi pa polio-free ang bansa. Dagdag pa niya, mahalaga ang suporta ng mga magulang upang maiwasan ang posibleng pagkakaroon ng epidemic dahil sa kakulangan sa bakuna ng mga bata.
Sa kabilang banda, upang mapawi ang pangamba ng mga magulang bunsod na rin sa naging isyu sa dengvaxia vaccine kamakailan, binigyang-diin ni Dr. Edvir Jane Montañer, pinuno ng Family Health Cluster ng DOH-CHD XII na ligtas at epektibo ang polio vaccine.
Ani Montañer, ang bakuna laban sa polio ay subok na gayong higit apat na milyong mga bata sa buong mundo ang gumamit na nito.
Sa kabilang banda, siniguro naman ng mga opisyal na ang gagawing pagbabakuna simula Hulyo 20 hanggang Agosto 2, 2020 ay naaayon sa alituntunin kaugnay sa banta ng coronavirus disease 2019.
Ang mga vaccination team ay susunod sa minimum health protocols na itinakda ng World Health Organization.
Target ng DOH-CHD XII na mabakunahan ang higit 5,000 na mga kabataan sa buong rehiyon.