Tagalog News: Mga magsasaka sa Makilala, Cotabato tumanggap ng tulong mula sa DA XII
Tagalog News: Mga magsasaka sa Makilala, Cotabato tumanggap ng tulong mula sa DA XII
MAKILALA, Lalawigan ng Cotabato, Hulyo 8 (PIA)— Tumanggap kamakailan ng tulong mula sa Department of Agriculture XII ang mga magsasaka dito sa bayan na naapektuhan ng lindol noong nakaraang taon.
Kabilang sa tulong na ipinagkaloob ay 100 bags ng conventional hybrid corn seeds, 2,664 na packs ng pakbet seeds, 276 na kilo ng mung bean seeds, 200 bags ng inorganic fertilizer, 70 rolyo ng trapal, 76 na rolyo ng HDPE pipes, at 150 yunit ng plastic drums.
Ang mga ito ay nagkakahalaga ng abot sa P2,248,863.49.
Dagdag pa dito, nakatakda ding makatatanggap ng abot sa 18,402 coffee planting materials na nagkakahalaga ng P539,822.67 ang mga benepisyaryong magsasaka. Ang mga tulong na ito ay pinondohan sa pamamagitan ng Quick Response Fund ng DA XII.
Kaugnay nito, hinikayat ni Rosario Paguican, pinuno ng Municipal Agricultural Services Office (MASO) ang mga benepisyaryo na gamitin nang maayos ang tulong mula sa pamahalaan. Ito ay upang mapakinabangan ang mga natanggap na tulong lalo na sa pagsusulong ng sapat na pagkain sa bayan lalo na ngayong nasa gitna ng krisis ang buong bansa dahil sa pandemyang COVID-19. (With reports from MICO-Makilala)