Tagalog News: Mga programa ng SK sa Puerto Princesa, inilahad sa Network Briefing
Tagalog News: Mga programa ng SK sa Puerto Princesa, inilahad sa Network Briefing
PUERTO PRINCESA, Palawan, Hul. 14 (PIA) — Inilahad ni Sangguniang Kabataan Federation President Myka Mabelle L. Magbanua ng Puerto Princesa ang mga programang naisagawa nito at isasagawa pa lamang sa lungsod sa panahon ng pandemya.
Si SK Magbanua ang isa sa mga naging panauhing tagapagsalita sa programang Laging Handa: Network Briefing ni Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar kaninang umaga kung saan inilahad nito ang kanyang mga programa.
Ayon kay SK Magbanua nahati sa dalawa ang mga programa niya para sa mga kabataan . Aniya, nakapagsagawa na siya ng mga programa upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga kabataan para malabanan ang COVID-19 at ang pangalawa ay ang mga programang isasagawa pa lamang upang maka-rekober ang mga kabataan sa dinanas na pandemya.
Inisa-isa ni SK Magbanua ang mga programa nito upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga kabataan, tulad ng Kusina Palawenyo Project, kung saan namahagi sila ng pagkain sa mga kabataang frontliners at stranded individuals.
Ang Palawan BayaniJuan Project naman ay isang donation drive activity para makalikom ng care packages na ipinamahagi sa mga naapektuhan sa industriya ng turismo tulad ng mga tour guide, ang Bangon, Bagong Silang project kung saan namahagi ito ng tulong sa mga nasunugan sa Bgy. Bagong Silang at ang Pamerienda sa Pandemya kung saan namahagi naman sila ng donuts sa mga bata sa 40 barangay ng lungsod.
Maliban sa apat na malalaking proyektong ito ng Sangguniang Kabataan ng lungsod ay namahagi rin ang tanggapan ni SK Magbanua ng 2,000 face masks sa mga frontliner at mga care packages at hygiene kits sa mga kabataan, learning materials para sa mga batang lima hanggang walong taong gulang at cellular phone loads para sa mga mag-aaral na sumasailalim sa online classes. Nagsagawa rin sila ng information drive kaugnay sa COVID-19.
Upang matulungan namang maka-rekober ang mga kabataan sa naranasang pandemya ay isinusulong ngayon ni SK Magbanua ang Tech Drive project, isang donation drive activity na naglalayong makalikom ng mga gadget para sa mga kabataan na nangangailangan nito para sa kanilang online classes na ipatutupad ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) habang ipinagbabawal pa ang face-to-face classes.
Mayroon din silang proyektong Happify bilang mental health support sa mga kabataan. Magsasagawa rin sila ng scholarship fair para sa mga kabataang ang magulang ay nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. (OCJ/PIA-MIMAROPA)