Tagalog News: Programang Oplan Kalinga binuksan para sa pasyente ng COVID-19
Tagalog News: Programang Oplan Kalinga binuksan para sa pasyente ng COVID-19
LUNGSOD NG QUEZON, Hulyo 14 (PIA) — Inanunsyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kanina sa ginanap na virtual press briefing Hulyo 14, ang pagbubukas ng Oplan Kalinga program upag mas pag-igtingin ang paghihiwalay sa mga pasyente ng COVID-19 na mahina o banayad ang sintomas at yaong sinasabing asymptomatic at upang mapigil din ang paghahawaan.
Ang programa ay unang ipinahayag ni Health Secretary Francisco Duque III sa naganap na pagbisita nila sa lungsod ng Taguig kaninang umaga upang saksihan ang ginagawang stratehiya ng lungsod sa paglaban sa COVID-19.
Ang Oplan Kalinga Program ay binuo para sa mga pasyente na walang sariling kwarto at palikuran para sila ay hiwalay sa mga kasama sa bahay habang nakaquarantine. Ito din ay para sa pasyente ng COVID na may kasama sa bahay na matatanda, may mga sakit o may buntis o yaong tinatawag na high risk. Layon ng programa na bawasan ang pagkakahawaan sa pamilya at komunidad at matukoy ang mga pasyente at maidala sa quarantine o isolation centers upang duon magpagaling.
“Nilinaw po nila na ang pupwede lamang mag home quarantine ay yung mayroong sariling kwarto, mayroong sariling toilet at wala po kasamang matanda o hindi naman kaya may sakit or buntis sa kanilang mga tahanan,” ani Secretary Roque.
Ang mga isolation center ay may air-condition, libreng pagkain at may libreng wifi connection.
“So sa lahat po ng mga asymptomatic or mild na walang sariling kwarto, walang banyo, may kasamang matanda, buntis o meron karamdaman, welcome po kayo sa ating mga isolation centers,” saad ni Spox Roque. (TNN/PIA-IDPD)