Tagalog News: Representasyon sa Anti-Terrorism Council inirerekomenda ng BARMM gov’t
Tagalog News: Representasyon sa Anti-Terrorism Council inirerekomenda ng BARMM gov’t
LUNGSOD NG COTABATO, Hulyo 8 (PIA)—Ipinahayag kamakailan ng Pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pagsuporta sa bagong tatag na Anti-Terrorism Law 2020 at inirerekomenda ang pagkakaroon ng representasyon ng Bangsamoro sa Anti-Terrorism Council (ATC).
Sa opisyal na pahayag ni BARMM Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim, sinabi niya na iginagalang ng BARMM ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa nasabing batas.
Bukas din aniya ang BARMM sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaan upang matugunan ang problema sa terorismo sa rehiyon. Dagdag pa niya, mas mapatatatag ang ugnayan kung magkakaroon ng representasyon ng Bangsamoro sa ATC.
Sinabi pa ng opisyal na kinikilala ng Pamahalaan ng BARMM ang pangangailangan ng isang matibay na polisiya sa laban kontra terorismo.
Tiwala si Ebrahim na matutugunan ng pamahalaang nasyunal ang usapin sa ilalim ng batas na may kinalaman sa Bangsamoro.
Matatandaang nagpalabas ng resoluyson ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na humiling kay Pangulong Duterte na i-veto ang Anti-Terrorism Act upang lalo pang mapag-aralan ng Kongreso ang ilang mga kontrobersyal na probisyon. (With reports from BPI-BARMM).