Home Top News and Stories Philippines News Headline Rice banner program ng DA namahagi ng inbred at hybrid seeds sa rehiyon

Rice banner program ng DA namahagi ng inbred at hybrid seeds sa rehiyon

0
   

Rice banner program ng DA namahagi ng inbred at hybrid seeds sa rehiyon

Pamamahagi ng certified palay seeds sa Gasan at Torrijos, Marinduque (Larawan mula sa APCO Marinduque)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Hulyo 9 (PIA) – Naipamahagi na ng Department of Agriculture (DA) Mimaropa ang kabuuang 43,477 bags na expanded hybrid seeds at 27,586 na expanded inbred seeds sa  rehiyon. Patuloy pa rin ang pamamahagi ng mga nasabing expanded hybrid seeds at expanded inbred seeds sa limang probinsya ng rehiyon sa ilalim ng DA- Mimaropa Rice Banner program.

Ayon sa tala ng Rice banner program, naipadala na sa mga Local Government Unit ng bawat probinsya ang 44,519 bags ng expanded hybrid seeds mula sa alokasyong 50,114 bags at 35,979 bags naman ng expanded inbred seeds ang naipamigay mula sa 36,029 na alokasyon.

Sa expanded hybrid seeds, ang alokasyon para sa Occidental Mindoro ay 29,262; 9,810 sa probinsya ng Oriental Mindoro at 11,042 para naman sa Palawan. Samantala, ang alokasyon sa expanded inbred seeds ay 23,209 sa lalawigan ng Occidental Mindoro; 6,265 sa Oriental Mindoro; 1,490 sa Romblon; 1,215 sa Marinduque at 3,850 sa Palawan.

Umabot sa P269,074,080.00 ang kabuuang halaga ng hybrid at inbred seeds na ipinamahagi ng Kagawaran. Alinsunod sa Memorandum Order No. 60, S. 2020, ang mga nasabing binhi ay may kaakibat na inorganic fertilizer na ipinamigay sa pamamagitan ng incentive scheme.

“2,500 na ektarya ang alokasyon ng lungsod ng Calapan para sa ALPAS hybrid mula sa 3,070 ektaryang alokasyon paras sa hybrid. Ang Calapan City ang nangunguna sa hybrid utilization pagdating sa lawak ng taniman, “ ani City Agriculturist (CA) Lorelein Sevilla ng Calapan City, Oriental Mindoro.

Dagdag pa niya ang suporta mula sa DA ngayong panahon ng pandemya ay malaking tulong sa mga magsasaka, “farmers were very happy because first time nila ma-experience ang tumanggap ng free hybrid dahil naging parehas ang pagkalinga ng pamahalaan sa lahat ng mga magsasaka, maliit man o malaki ang binubukid. Malaking pasasalamat ang kanilang ipinaabot sa DA at dahil dito, they will be expecting more yield with less cost of production resulting to increase income. Mas malawak ang area na matataniman gamit ang hybrid seeds this season compared to last cropping season. Farmers are hoping that DA will sustain the program”.

Ipinabatid din ng Municipal Agricuturist ng San Jose, Occidental Mindoro na si  Rommel Calingasan  ang kanyang pasasalamat sa DA Mimaropa dahil sa libreng binhi ng iba’t-ibang variety ng hybrid seeds na tinanggap ng kanilang bayan. Aniya, “bukod sa nakatipid na sa pambili ng binhi na kanilang pantanim ngayong tag-ulan, nakakasigurado pa kami na akma at rekomendado sa aming lokal na klima at kondisyon ang mga binhi. Bukod pa dito, nakakasigurado kami na magiging mataas ang kita at ani ng aming magsasaka ngayon”.

Taos puso naman ang pasasalamat ni Gng. Elena Permejo ng Tigwi, Torrijos, Marinduque na tumanggap ng inbred seeds, ayon sa kanya, “malaki pong tulong dahil kung kami lamang na maliliit na magsasaka ay wala po talaga kaming ipambibili ng pantanim dahil na rin sa Enhanced Community Quarantine  dahil sa COVID-19 kaya malaking tulong po talaga itong libreng binhi mula sa DA lalo na sa  mga nakiki-talukan katulad ko”.

Tanging mga rehistradong magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang tumanggap ng mga libreng binhi sa rehiyon at magpapatuloy ang pamamahagi ng mga nalalabi pang binhi ngayong buwan ng Hulyo. (LC/PIAMimaropa/Calapan)

   

Follow us on Instagram

[instagram-feed]