Tagalog News: Forsage hindi rehistrado sa SEC
Tagalog News: Forsage hindi rehistrado sa SEC
LUNGSOD NG QUEZON, Hulyo 14 (PIA) – Inanunsyo ng Security and Exchange Commission (SEC) sa publiko alinsunod sa Security Regulation Code (SRC) na ang Forsage sa pamamahala ni Lado Okhotnikov ay hindi nakarehistro sa komisyon at hindi pinahihintulutan ang anumang gawain na ipinapakalat ng nasabing kumpanya. Ang Forsage ay wala ring lisensya bilang isang crowdfunding intermediary alinsunod sa SEC Memorandum Circular No. 14, Series of 2019.
Nilinaw din ng Komisyon na ang pagpapatakbo ng negosyo o aktibidad na naglalayong mangalap ng pamumuhunan mula sa ating bansa tulad ng sa Forsage na isang dayuhang kumpanya ay nangangailangan pa rin ng kaukulang lisensya at pahintulot mula sa Ahensya at iba pang sangay ng gobyerno.
Pinayuhan din ng Komisyon ang publiko na huwag mag-invest sa kumpanyang ito o kahalintulad na kumpanya na hindi rehistrado sa Komisyon at sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Hinikayat din ng Komisyon na ipagbigay alam ang anumang impormasyon hinggil sa nabanggit na gawain at sa mga taong nagpapatakbo sa operasyon nito, maaaring makipag-ugnayan sa Enforcement and Investor Protection Department sa pamamagitan ng email address na epd@sec.gov.ph. (TNN-IDPD/SEC)