Home Top News and Stories Philippines News Headline Tagalog News: Pagbubukas ng turismo sa Puerto Princesa, pinaghahandaan, ayon kay Socrates

Tagalog News: Pagbubukas ng turismo sa Puerto Princesa, pinaghahandaan, ayon kay Socrates

0
   

Tagalog News: Pagbubukas ng turismo sa Puerto Princesa, pinaghahandaan, ayon kay Socrates

Inihayag ni Puerto Princesa City Vice Mayor Maria Nancy Socrates sa pamamagitan ng ‘Laging Handa’ network briefing ni PCOO Secretary Martin Andanar ang mga plano ng lokal na pamahalaan para sa panukalang muling pagpapanumbalik ng turismo sa siyudad. (Screenshot mula sa live Network Briefing ng ‘Laging Handa’ program)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hul. 14 (PIA) – Patuloy na naghahanda ang pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa sa panukalang muling pagbubukas ng turismo sa siyudad sa kabila nang hindi pa natatapos na nararanasang pandemya.

Sa panayam ng ‘Laging Handa’ network briefing ni Secretary Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), binigyang diin ni Puerto Princesa City Vice Mayor Maria Nancy Socrates na hindi pa natatapos ang mga plano ng siyudad para sa muling pagtanggap ng mga bisita sa mga destinasyong pang-turismo nito.

Sinabi ni Socrates na nakabuo na ang lokal na pamahalaan ng mga plano at hakbangin para sa pagpapanumbalik ng industriya ng turismo sa siyudad.

Aniya, nakatutok ngayon ang lungsod sa mga turistang nanggaling sa iba’t ibang munisipyo ng Palawan, hanggang sa kalaunan ay magiging paunti-unti ang pagtanggap ng mga magmumula naman sa ibang lalawigan ng Pilipinas.

“Pinapalawak natin ang ICT [information and communications technology] infrastructure para mahikayat ang online transaction sa mga negosyo at ang magiging focus natin ay and domestic market muna,” pahayag ni Socrates.

Bahagi rin ng aniya ng kanilang plano ang pagbuo ng mga estratehiya sa mga may-ari ng mga establisyementong panturismo upang magkaroon ng tuloy-tuloy na kita bagamat hindi pa lubusang bumabangon ang naapektuhang ekonomiya.

“Focus din natin ang mga accommodation establishments para makatulong sa kanilang recovery. Hinihikayat namin sila na mag-diversify ng kanilang negosyo kahit sa ngayon lang upang makatulong din sa kanilang kita,” ani pa ng opisyal.

Dagdag pa niya, magkakaroon ng bahagyang pagbabago sa mga pampubliko at pang-turismong lugar upang makasabay sa tinatawag na ‘bagong normal’ na kalagayan, kung saan kinakailangang nakatuon sa mga panuntunang pang-kaligtasan at kalusugan ng publiko.

“Kapuri-puri naman ang ating mga health frontliners dito sa Puerto Princesa dahil sigurado sila sa kanilang mga rekomendasyon upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan, hindi lang ng ating mga kababayan kundi maging ng ating mga bisita,” aniya pa.

Samantala, ipinahayag din ni Socrates na bukas ang pamahalaang panlungsod sa pagsusulong ng ‘agro-tourism’ na tugon sa bahagyang naging problema sa seguridad sa pagkain dahil sa naranasang pandemya.

Aniya, malaki ang magiging papel ng industriyang ito sapagkat bukod sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain, magkakaroon pa ng karagdagang pagkakakitaan ang sektor pang-agrikultura kapag tinangkilik na ng mga turista ang kanilang mga nakahaing produkto at destinasyon. (LBD/PIAMIMAROPA)

 

   

Follow us on Instagram

[instagram-feed]